Thursday, December 31, 2009

Happy New Year


Maraming Salamat
sa isang taon ng kwentuhan!!!

Monday, December 28, 2009

Not With A Moving Thing

Mula sa isang inuman, umuwing lasing ang dalawang magkaibigan.

"D're, nawiwiwi na ako...", sabi ng isa na halatang-halatang pinipilit na maging buhay ang diwa.

"Ako din. Hanap lang tayo kung san pwede..", ang sagot naman ng isa.

Nung mga oras na yun, iilang tindahan at mga bahay na lang ang bukas. Madilim na ang paligid ng Blumentritt. Maging ang mga naglalako sa kalsada ay tila pinauubos na lang ang mga natitirang tinda nila.

Sa may dulo ng Blumentritt malapit na sa LRT, maraming nakaparadang jeep.. isang magandang kanlungan para sa taong puputok na ang panubigan.

Pagdating ng dalawa sa unang nakaparadang jeep, agad agad puwesto sa tapat ng likod na gulong para ilabas ang sasaloobin.

"Ahhhhhhh...", bigkas ng isang taong akala mo'y naginhawaan ng loob.

Di pa nagtatagal, biglaang nag-start ang jeep!


VROOOOOMMMMM!!!!

"TODAS!!", ang tanging sigaw ng binatang naantala sa pag-wiwi habang pilit sumabay lumakad ng patagilid sa direksyon ng papaalis na jeep.

Pagkaalis ng jeep, naiwan ang binatang nagmamadaling sinasara ang zipper ng pantalon.

Sa tapat ng pinagparadahan ng umalis na jeep... ay isang kainan... maraming tao sa loob.. maraming tao nakasaksi... sapagkat ito ay sa tapat ng Jollibee.

Friday, December 18, 2009

Excited Because It's New

Nagmamadali kaming tumatakbo ni nanay patungo sa aming connecting flight. Kung aming tatantyahin, medyo malayo-layo pa ata yung boarding gate nang aming susunod na biyahe.

Hingal at pagod, kami'y naupo muna sa isang tabi...

"Okay ka lang (hingal) nay?, ang tanong ko sa aking naluluhang nanay.

"ANG SAKIT NG PAA KO!", ang daing ng aking inay. "Parang namimilipit mga daliri ko... dahil sa sapatos ata!", dugtong pa niya.

"Huh? (hingal) eh 'nay di n'yo po ba sinukat yang bagong sapatos niyo bago niyo binili?", hinahapong patanong ko.

"Sinukat! pero etong kanan ang masakit", sambit ni inay.

Sa aking pagkaawa sa aking nanay, kinuha ko ang kanang paa niya para hilutin. Hinubad ko ang kanyang sapatos... at natawa sa aking natuklasan....


"Hehhehehe... eh nanay meron pang papel itong sapatos mo eh.... bagong bago pa talaga!!".

"Kaya naman pala sabi ko parang na-iipit mga daliri ko", natatawang sagot ni nanay.

Sensya na excited eh.




More stories at http://vermites.blogspot.com

Monday, December 14, 2009

The Boxer and The Father

Oo na! fan ako ng boksing!

Eh paano ba naman, tuwing linggo ng hapon nanonood kaming magkakapatid at nang aming tatay ng boksing. Di pa kasama dyan yung mga laban during weekdays. 'Mano-Mano' at 'Blow-by-Blow' ang mga pinapanood namin nun.

At kung malaman namin na sa Tundo ang venue ng susunod na laban, yaya-yain ako ni Daddy para mag-bike at pumunta sa laban.

Masaya kasi manood ng boksing. Lalo na kung exciting ang laban. At sa mga laban ng mga bagong boksingero, kadalasan nakakatuwa at matatawa ka sa mga diskarte.

Tandang-tanda ko ng minsan sinabi ni Daddy sa akin, "abangan mo itong batang ito... malakas sumuntok. Malayo mararating niyan."

Simula nuon, tumanim sa akin ang pangalan ng boksingero. Natutuwa kami kapag siya ang napapanood namin sa Blow-by-Blow.

Hanggang nasubay-bayan na namin ang lahat ng laban niya.

Minsan din kami nalungkot ng makitang natalo siya at ininda ang bawat suntok ng kalaban.

Isang araw sa taong 2000, nakita namin ni Daddy ang isang ads ng laban ng inaabangan na boksingero. Ang laban ay nakatakda rin nang gabing iyon. Tutal kakasahod ko lang mula sa aking unang trabaho, niyaya ko si Daddy manood ng laban, "Daddy panoorin natin ito!".

Nagmamadali kami ni Daddy gumayak at nagtungo sa Ninoy Aquino Stadium para manood ng laban.

Habang ako'y nagbabayad ng aming tiket, bigla ko naramdaman ang munting tuwa, - ganito pala pakiramdam pag-ikaw na nanlilibre sa magulang mo.

Pagpasok namin, humanap kami ng magandang upuan para mapanood ng maayos ang boksing.

Lumipas ang ilang undercard fights at nag simula na pumasok ang mga boksingero ng main event.

"WBC International Super Bantamweight Champion of the world.... Manny Pacquiao!!!!" at malakas na sigawan ng mga iilang boksing fans.

Maganda ang takbo ng first and second round. At pagkatapos ng third round, nagrequest si Daddy ng beer mula sa mga nag-iikot na nagtitinda. Bumili kami ng tig-isang malamig na beer habang excited sa pagsisimula ng fourth round. Ilang minuto pa lang namin iniinom ang beer.... biglang bumagsak na ang kalaban. Ayos! tapos ang boksing!

Tuwang-tuwa kami naglalakad pa uwi. Pinagkukwentuhan ang mga napanood at iniisip kung kailan at kung anu-ano ang pwedeng kinabukasan ng paboritong boksingero.

Nang malapit na kami sa bahay sabay inakbayan ako ni Daddy.

"Salamat anak!", sinabi niya sa akin.

Higit pa sa kaligayan dulo't ng boksing ang naramdaman ko nun. Pakiramdam ko nabigyan ko ng munting kasiyahan si Daddy mula sa aking sahod ng aking unang trabaho.

Pagdating ng bahay, pinanood namin ang delayed telecast at pinagpatuloy ang kwnetuhan.

Malayo na narating ni Manny ngayon. Siguro hindi ko na kayang bumili ng tiket ng mga laban niya. Hanggang TV na lang at YouTube ko napapanood siya.

Pero kahit papaano... bago pa naman sumikat si Manny ... at magmahal ang mga tiket ng laban niya... minsan nakasama ko si Daddy manood ng laban ng aming paboritong boksingero.

Siguro kung nabubuhay si Daddy ngayon...
tuwang tuwa siya sa natamo ng kanyang sinubaybayang boksingero...
At siguro higit na tuwang tuwa siya sa natamo naming magkakapatid.






Friday, September 18, 2009

Sounds Like

Umuwing lasing ang ating kaibigan mula sa isang kaarawan.

Kahit antok at lango, pinipilit pa rin niyang bumiyahe mula Tondo hanggang Quezon City. Hangga't maari gusto niyang pakita sa lahat na normal pa siya para sa ganun hindi siya mapag-tripan o maholdap... o mapagkamalang laseng (?) ...

Pagdating niya sa Monumento, sumakay sa bus biyaheng Edsa at umupo sa may unahan.

"Manong sa SM North Edsa lang po", ang magalang na pagbayad ng ating kaibigan sa kundoktor.

Maya-maya pa'y binaybay na ng bus ang kahabaan ng Edsa kasabay ng paglaban sa antok ng ating kaibigan....

"kailangan di me tulog... kya ko ito... buksan ko kaya bintana... pahangin... pwede kaya yosi... saya... biyaheng langit pare ko... zzzzzzzzzzz....."

"......sm....SM.....SM!!!!!" - bigla niyang narinig ang sigaw ng kundoktor.

"SM?...SM?... buti na lang nagising ako!", nagmamadaling tumayo at pumunta sa pinto ng bus ang ating kaibigan.



Pagbaba niya... hinanap niya ang pila ng tricycle papasok sa kanilang lugar... ngunit wala siyang natanaw bagkus pila ng jeep papuntang Pasig.

Paglingon niya sa gawi ng SM..... dun niya na lang napagtanto na nasa Megamall na pala siya.

"DAMIT!!!", sabay batok sa ulo.

Tuesday, March 17, 2009

Prohibiting Erroneously

Tanaw mula sa kanilang malaking bintana ang mga taong nag-uumpukan sa kanto. Pinagmamasdan ni Watu kung ano yung pinagkakaguluhan ng mga kalalakihan. Kinukutuban siya na merong di magandang ginagawa ang mga tambay.

"hmmm.... teka mukhang nagsusugal na naman ang mga ito", ang sambit ni Watu sa sarili.

Nasa elementarya pa lamang si Watu nun kaya naman malinaw pa sa kanya kung ano ang masasamang bisyo at ugali na turo sa kanya ng kanyang mga guro.

Sa kanyang murang edad, nagmamadali siyang bumaba sa kanilang bahay at lumabas patungo sa umpukan ng mga nagsusugal sa kanto para suwayin ang mga ito.

Maya-maya pa'y walang takot niyang sinigaw....


"HOY! GAMBOLING YAN!!!"

Nahati ang reaksyon ng mga tambay: merong mga tumawa at meron din namang tahimik at walang reaksyon.

"TUNGEK! hindi gamboling... GAMBLING!!!", ang pagwawasto ng isang nakakatanda.

Muli, hati pa rin ang reaksyon ng mga tambay: merong mas natawa at meron pa rin namang tahimik at walang reaksyon... at mukhang lalo pang nalito...

"ano yung gambling?"..... ang maririnig mong bulungan sa gawi ng mga walang reaksyon.



Tuesday, March 10, 2009

It's Just A Matter of Proper Reading

Laging binibida ng aming kaibigan ang isang beerhouse na kanyang napuntahan. Sa bawat usapang gimikan at kung saan pupunta, lagi na lang niya pinapasok sa usapan ang bidang bidang lugar niya.

“Mga tsong kung mapupuntahan niyo ang ‘PEJUNIST’ sigurado magugustuhan niyo rin dun”, ang pabidang pagyayabang ng aming kaibigan.

“Lagi mo na lang kami kinukulit dyan sa PEJONIST mong yan! Kailan mo ba kami isasama dyan?”, ang tanong naman ng isa.

“Kung gusto niyo ngayon na!”, bigla namang pagyaya ng bangkero sa usapan.

Mula sa kanilang pagkakatambay, kanya kanya silang umuwi upang magpalit ng damit at pumorma ng todo. 

Maya-maya pa’y nagtagpo muli ang magbabarkda at nagtungo sa lugar na pinagmamalaki ni kaibigan…. ang PEJONIST.

Sa pagdating nila sa lugar, isang malaking katotohanan ang tumambad sa kanila….


“THE PEGION’S NEST”

“Oh di ba? Madali lang makita itong lugar na ito! Ang laki laki ng signage!”, ang entrada ng kaibigan.

Eh kung di mo kami sinamahan malamang naligaw kami!

Thursday, February 19, 2009

Cant Find The Right Letters

Naging ugali na ng karamihan ang mag-iwan ng tsinelas sa labas ng pinto. Para daw di madala sa loob ng bahay ang dumi na nakakapit sa ilalim ng ating mga tsinelas. At dahil maraming tsinelas ang nasa labas ng pinto, maraming abusado na nagnanakaw ng mga tsinelas.

Uso pa nuon yung tisnelas na kung tawagin ay tsinelas ng sabungero... yung merong alpombra na makulay.... hello??? yung merong carpet???

Anyway...

Minsan nakatambay kami ng barkada sa labas, nakita namin si Edong lumabas ng bahay na merong chalk. Dahil na rin siguro madalas silang nawawalan ng mga tsinelas, naisipan na niyang gumawa ng paraan para maiwasan ito.

Sa pader tabi ng kanilang pinto nagsimula siyang sumulat...

"BALWA ANG KUMUHA NG TSINELAS DITO!"

Nang aming mabasa, nagtawanan kami.

Muli niyang binasa ang kanyang sinulat at napansin na merong mali sa kanyang spelling. Kaya kanya itong tinama...


"BALAW ANG KUMOHA NG TSINELAS DITO!"

Nagtawanan ulit kami...

Buti na lang tropa namin itong si Edong. Kung hindi malamang napag-BALWAHAN kaming tumawa!!!!

Thursday, February 12, 2009

An Inquiry Of A Grandmother Part 2

Sa bahay dati nagpapraktis sila utol ng banda nila.

Tuwing naririnig ng mga tropa at ibang tambay na meron ng tugtugan sa bahay, nagpupuntahan na sila sa tapat ng bahay upang magsound trip habang tanaw nila sa bintana at pinto ang praktis nila kuya.

Pumanik ako sa itaas ng bahay upang kumuha ng ibang upuan ng makita ko si lola nakadungaw sa bintana na parang merong pinagmamasdan. Medyo mahina na ang pandinig niya kaya alam ko walang problema sa kanya yung ingay sa baba.

Maya-maya pa'y tinawag ako ni lola na parang nagtataka, "Halika!".

"Ano po yun lola?", ang mabait kung tanong sa kanya habang dumungaw na rin ako sa bintana at tinanaw ang pinagmamasdan niya.

"Bakit itong mga taong ito, sisilip sa loob ng bahay natin tapos iyuyugyog ang ulo?", ang nagtatakang tanong ni lola (niyuyugyog din niya ang kanyang ulo habang nagtatanong).



OO nga naman... sisilip sabay mag-he-headbang!

"O tingnan mo itong isa... binubunggo pa yung isang niyuyugyog yung ulo!", ang sunod na obserbasyon ni lola dun sa mga tambay na nag-iislamdance.

"Siguro masakit ulo nila...", ang konklusyon ni lola habang tumatawa.

Sensya na hindi maintindihan ni lola ang mga metal.... hiphop kasi siya!
PEACE!
luv you lola tinay!

Tuesday, February 10, 2009

An Inquiry of A Grandmother

Sa loob ng bahay mahina signal ng cellphone. Kaya para ka makapag send ng text kailangan mo pang lumabas ng bahay.

Etong kuya ko di ko alam kung sino ang ka-text nung mga oras na iyon.
Nandun lang siya sa labas...
naghihintay ng reply...
at ganun din naman kailangan niya rin mag reply.
..kaya yun, nasa labas lang siya.

Matindi ang sikat ng araw nun kaya naman ang lola ko nakasilip sa bintana pinagmamasdan ang kuya kong abalang abala sa pagtetext.

Paglapit ko kay lola, nagtanong siya sa akin...

"Bakit ang telephono ngayon kailangan ibilad sa araw?", ang tanong ng nagtataka kong lola.


Pagtingin ko sa kuya ko ... oo nga naman parang binibilad sa araw pag nagtetext!!!!

Sabihin ko sana sa lola ko.... "eh lola solar power kasi".

Try mo magtext sa labas... di ba nakatihaya sa araw?

Wednesday, February 4, 2009

Not With Your Mom

"Mama..(hik!) enge nga po (hik!) ng sabaw!", ang utos ng isang bagong dating mula sa inuman na anak sa kanyang ina.

Dahil sanay na nga ang ina sa ganitong sitwasyon ng anak, hindi na siya nag-aalala sa tuwing uuwi ng lashing ang anak. Bilang ina, kumuha naman siya ng sabaw para mainitan ang sikmura ng anak at mahimas masan.

Pagkakulo ng pinainit na sabaw, dali dali naman itong iniabot ng ina sa anak.

"hmmmm.... (hik!) salap!", banggit ng langong anak.

Pagkatapos inumin ang sabaw...

"HALA KEMBOT!!! (sabay palakpak ng isang beses)", ang sigaw ng lasing na anak sa kanyang ina.

PAK! ang matunog na batok na ina!

"Damuhong ito!"


Wednesday, January 28, 2009

Not The Right Words

Minsan pa uwi ako galing school.
Medyo bad trip nun kaya nakasimangot sa loob ng jeep biyaheng Balut, Tondo.

Hindi ko napapansin ang paligid...
malalim ang iniisip..

Nang aking mamataan lagpas na pala ng North bay..
At Kalye Dalaga ang unang kalsada mula sa Juan Luna...

Kaya ng malapit na akong bumaba nag-ready na ako...

"Mama.. bayad po!!!", ang malakas kong banggit sa driver habang kinakatok ang bubong ng jeep.

... tuloy pa rin ang andar ng jeep....

"MAMA SABING BAYAD EH!!!", ang galit ko ng sigaw sabay ng malalakas na katok sa bubong ng jeep!!!

.. ang mamang driver naman ay pilit na inunat ang kanyang braso para umabot ng bayad...
... dito ko na lang napansin na mali pala ang sinasabi ko...

"eh para po pala... sa kanto lang po..."

pagbaba ng jeep...
naririnig ko pa yung tawanan ng mga pasahero .... (hanggang ngayon.... )
hihihihih kahiya...

Monday, January 26, 2009

Fashion - Early 90's

This is a typical porma of a Kalye Dalaga tambay during early 90's.
Our featured model: 2kO


Wednesday, January 21, 2009

A Song For All Kinds Of Misery

Kahit ano man ang problema mo, mapa-love story or family matters...
personal man o hindi...
o kaya naman naiinip na sa kakahintay...
malaki man o maliit..
ang kantang ito...
pasok sa anu mang sitwasyon ng buhay...

Kung hindi ngayon ang panahon na para sa iyo
Wag maiinip dahil ganyan ang buhay sa mundo
Wag mawawalan ng pag asa darating din ang ligaya
Ang isipin mo may bukas pa na merong saya

Kabiguan hindi hadlang upang tumakas ka
Wag kang iiwas pag nabibigo
Dapat nga lumaban kaaaaaaaahhhh!!!!

Aaaaannnngggg.... kailangan mo'y tibay ng loob
Kung mayroong pagsubok man
Ang liwanag ay di magtatagal at muling mamamasdan
Ikot ng mundo ay hindi lagi pighati't kasawian
Ang pangarap mo ay makakamtaaaaaaan...
Basta't maghintay ka lamang


pwede ring pang-asar lang!

Sunday, January 18, 2009

What It Takes To Be A Man

Ang pangalan ng nakakabatang kapatid na lalaki ni Watu ay King. Ngunit ang kanyang pangalan ay kakaiba sa kanyang ikinikilos. Hindi namin alam kung saan niya natutunan ang kanyang mga kinikilos sa edad na pito:

- mga pilantik ng mga daliri
- pagkembot sa paglalakad
- malambot na katawan sa pagsayaw
- ipit na pananalita
- at ang t-shirt na nilalagay niya sa kanyang ulo na nagmimistulang mahabang buhok na "ang gaang-gaang ng feeling" pagnaglalakad siya

At syempre, hindi pu-pwede ito kay Watu. Sa kanilang pamilya na nasa linya ng military, kailangan meron siyang gawin bilang panganay!

"Hoy! ito ang helmet ni lolo. 'Yan ang laruin mo para maging lalaki ka!", ang sabi ni Watu habang inaabot sa kapatid ang lumang helmet ng kanilang sundalong lolo.


Kinuha naman ito ni King....
nilagay sa ilalim ng kanyang damit....
at nagbuntis buntisan...

Haaay...
kaya simula nuon kailangan ng tanggapin ni Watu ang posibelidad na pwedeng mangyari.

"Suportahan taka!", --- Watu.

Update: ngayon si King ay full blown Queen na... at mabait na bata... (o mabait naman pala eh!)

Friday, January 16, 2009

Don't Mess Up With A Bad Trip!!!

Bad trip si Libag.

Bago pa kasi umiinom mabigat na ang loob niya kakaisip ng kanyang "it's complicated" na love story.

Kaya ayun... nung nakakarami na ng inom, naupo sa sidecar ni Ate Rose sa tapat ng tindahan.

Tahimik...
Nakatingin sa malayo..
Habang ang sigarilyo'y nauubos na lamang ng kusa sa kanyang mga daliri...

Nang biglang parang meron siyang nakita sa may kalayuan. Mabilis na tumayo sa kanyang kinauupuan at tumakbo sa direksyon patungong Kalye Antipolo. Sa pagkakataong ito nagtakbuhan na rin ang buong barkada at sinundan si Libag habol ang isang lalaki.

Pagdating ng tropa sa kanto ng Alkalde at Antipolo, natagpuan nila ang iba pang mga kaibigan sa lugar na yun na humarang at humawak sa isang lalaki na kung iyong susuriin ay takot na takot sa mga siga at tambay na nakapaligid sa kanya.

"Bakit ba Libag? Anong ginawa nitong mamang ito?", tanong ng isa.

"Magnanakaw ba ito", ang sundot ng isa pang ka-tropa na naka-abang ng sumuntok.

Ang lahat ay handa na maki-libreng suntok at tadyak ... naghihintay na lamang ng hudyat mula kay Libag.

"Ano ba talaga kasalanan nito Libag?", ang tanong ng lahat habang nakatingin sa lalaki na ngayon ay namumutla na sa takot.




"SUSPICIOUS LOOKING MGA P'RE!!!!!", sagot ni Libag.

"HUH!!!".... sabay-sabay na sagot ng lahat.

Ang mga tambay... hindi alam ang gagawin.

Maya-maya pa'y binitiwan na lang nila ang lalaki na nagtatakbo papalayo na akala mo'y nakaligtas sa isang malaking panganib.

Bumalik na lang sa tambay ang iba...

Ang iba naman sabay-sabay bumalik sa inuman.. habang pinagbabatukan si Libag!!!

Suspicious looking lang magugulpi pa yung mama!!!

Monday, January 12, 2009

Know What We're Singing...

Para masaya ang inuman, meron kaming ginagawang laro't kantahan...
Sa pamamagitan ng gitara at malikot na pag-iisip, siguradong inis na inis ang mga kapitbahay sa lakas ng tawanan at kantyawan...

Alam niyo ba yung kantang Banal Na Aso, Santong Kabayo???
Madali lang yung chords 'nun...

Em - C (paulit-ulit lang)



Banal Na Aso, Santong Kabayo - Yano

Ok, eto yung laro...

Papalitan lang ang verse/lyrics ng kantang Banal Na Aso...
Ang tema ay tungkol sa barkada...
Parang Da Who? ang dating...

sample: (remember tono ng Banal Na Aso verse)

Meron akong kilala
Matagal ko ng kaibigan
Pala-sayaw sa kalsada
Lalo na pag nag papacute
Inasar ng mga kaibigan
"Dinaan ka sa hula" sabi ng isa
Hindi na niya kinayanan
Humingi ng Yelo nanikip dibdib niya

(tapos sabay sabay kakanta ang lahat)
BANAL NA ASO!!! SANTONG KABAYO!!!
NATATAWA AKO HIHIHIHI..

(tapos iba naman yung mag iisip at kakanta)

gets niyo??
try niyo.. masaya ito...

try ko...

Meron akong nabasa
Mula sa blog ng isang kaibigan
Isang kwento ng barkada
Nung isang gabi lang ito pala
Tinanong niya sa kanyang kasama
Sa loob ng sasakyan lubhang nagtataka
Kung ang sinigang ba aalat
Pag nilagyan ng patis .. ay sus talaga!

(sabay sabay!!!)
BANAL NA ASO SANTONG KABAYO!!!
NATATAWA AKO HIHIHI...

o kayo naman!!!

Saturday, January 10, 2009

Know When To Cry ... After Watu's Skecher

This is a continuation of my previous blog...

Sa kasawiang palad, dead on-delivery... este.. on-arrival yung dinala naming kapitbahay sa ospital. Ang sabi ni Kagawad hintayin na lang daw niya yung pamilya nung lalaki samantalang nagyaya na ring umuwi si Watu (dahil nahihiya na siya sa mga nurse).

Dumating ang New Year's Eve... tahimik ang iskinita... merong nakaburol...

Lumabas ako ng bahay na medyo hilo sa alak. Naupo sa mga upuan sa labas ng burol nakatingin sa loob ng bahay tanaw ang pamilya at mga kamag-anak na bakas ang lungot sa mga mukha. Natanaw ko rin si Watu kausap ang asawa ng namatay at sa aking pagkakaintindi parang kinukwento niya kung paano namin dinala sa ospital ang kanyang asawa. Hindi ko lang alam kung sinama niya yung kwento tungkol sa skechers...

Maya-maya lang nagpaalam si Watu sa asawa.. nakikiramay.

Paglabas ni Watu... sinalubong ko siya sa pinto... nakipagkamay... at nagtungo ako sa loob ng burol...

Tiningnan ko ang nakaratay sa harap... umiling ng konti.. at naupo sa tabi ng asawa...

Sinalaysay ko sa asawa ang version ko sa pagkakadala namin sa ospital...

Lashing pa rin ako nun at malakas ang tama ... naiiyak... pinipilit umiyak... pinipilit maging malungkot.. pinipilit na meron akong kaugnayan sa namatay (kahit na bagong lipat lang sila)... yun ang epekto ng mga ininom ko at ang pagkakabitin sa di natuloy na tugtugan....

Pagkatapos ko isalaysay at (pinilit) i-ugnay ang sarili ko sa namatay... lumapit muli ako sa sa nakaratay ... at umiyak ng matindi..

Inawat na lang ako ng ibang kamag-anak...

Kinabukasan nung nahimasmasan na ako... hindi ako makalabas ng bahay... hanggang mailibing yung patay...

Kung uso pa rin ang slumbook... ito siguro ang kwento ko sa Most Embarassing Moment...

Simula nun, tuwing meron kaming pinupuntahang lamayan binabantayan ako ng tropa ... o kaya naman gusto pa nga nila ako pagkakitaan pag walang pambili ng maiinom ... 200 kada-oras ... makikiiyak sa lamayan ng di mo kamag-anak.

Wednesday, January 7, 2009

Know What To Say During Emergency

It was 27 of December while I was eating my breakfast...

"P're tulong, yung kapitbahay natin inatake...", nagmamadaling tawag sa akin ni Watu.

Sabay kami pumasok sa bahay at nakita naming nakabulagta na sa sahig ang bagong lipat na kapitbahay. Binuhat... at nagmamadaling dinala sa Tondo General sakay ng multicab ng baranggay.

"Naka-inom ata? Amoy alak kasi..", tanong ni Kagawad. Natigil ng paghinga si Watu... kasi ang totoo siya yung amoy alak.. meron pa nga siyang hang-over sa pagkakasolo sa gin kagabi.

Pagdating sa Tondo General, nagmamadaling tumakbo si Watu sa Emergency Room at humingi ng .....



"SKECHER!!!"..... "SKECHEEEEERRR!!!"

Di alam ng mga nurse kung naghahanap si Watu ng saklolo or sapatos???!!!

Nagtatakang bumalik sa multi-cab si Watu, "Bakit walang kumikilos sa kanila? Gobyerno talaga!".

Baka kasi hindi SKECHERS sapatos nila ???!!!

update: Hanggang ngayon champion pa rin itong kwentong ito tuwing inuman.. =)

Love Letters

For sure, this generation will miss one of those pampakilig-thing in love and courtship... its the Love Letter. I know, we can send our love notes and thoughts through text messages or emails, but its a different feeling once you received a hand written letter that you know that comes from the heart.

I still remember most of my girl classmates collect different kinds of special papers (or they call it stationeries(?)). And for us boys, simple yet unique papers are better.

Minsan pinakilala kami ng kaibigang gurl sa mga kaklase niya. Eh, gusto rin namin masubukan ang bangis namin... so we turned-ON our pa-cute mode through jokes ... medium level lang naman.

So, ang mga new found friends medyo nagpa cute na rin.... malalaman mo naman kasi sa level ng tawa nila sa mga jokes mo... "Hahaha.. you're so funny (sabay kurot sayo).." - something like that!

Nagkakatawanan... nagkakatinginan... nagkakatitigan... nagkaka-intindihan...

Todas.. kumagat yata sa pa-in. Mukhang nag-eexpect na ng something different level of friendship chuva ang mga gurls... so medyo low level ang cute mode through jokes.

Isang araw, ang ilan sa amin ay nakakarinig ng balita na umiiwas na daw kami sa mga new found friendships ... at meron pa nga isa sa amin nakatanggap ng ganito:




"SUPERBOY, Please make it PAST coz TIME is GOLD!... from SUPERGIRL"

Ano daw? PAST ba kamo? Superboy from Supergirl??? eiwwww....

Tuesday, January 6, 2009

Before, PANLILIGAW is a Team-Playing Game

Scene:

Boy speaking to Gurl over the phone; they can see each other by the window because their houses are just in-front of each other.

With Boy are his friends; pretending that they were studying but listening on every word that Boy and Gurl were talking; waiting for the sign when to start their part.


Here's the story:

"Kumain ka na?", tanong ng batang kinakabahan sa isang dalaga na mistulang sawang sawa na sa mga paulit-ulit na tanong.

"Oo nga sabi eh", parang iritableng na sagot ng dalaga.

"Huh.. eh pasensiya na.. ang gulo kasi nila Libag dito.", sambit naman ng nanliligaw na bata. "Meron kasing pinababasa", ang dagdag na tugon ng binata.

Sa pagkakataong ito, akala mo ba'y merong narinig ang buong tropa ... hudyat ng kanilang hinihintay. At nilabas ni Tenga ang aklat.




"Ano ba yung pinababasa niya? Bakit parang ang gulo-gulo nila dyan?", ang tanong naman ng gurl sa kabilang linya.

"Ah eh.... (pause.... hinga ng malalim...) ah ehhh.... (pause ulit).... DO YOU LOVE ME?", ang banggit ng binata.

"HUH? ANONG SABI MO?", kagulat gulat na tanong ng gurlash na para bang ngayon lang naiba yung tema ng pinag-uusapan nila.

"AH eh.... pinabasa lang sa akin yung title ng book... yun yung title ng book ko na napanalunan ko sa drawing contest", ang palusot naman ng lalake.

"Ah.. akala ko (pa naman) tinatanong mo ako", ang pabulong na sagot ng dalaga.

Hindi masyado naintindihan ni binata kung "akala ko pa naman" or "akala ko" lang ang sinabi ng dalaga dahil sa kanyang sobrang kaba at pawis.

Kaya huminga siya ng malalim ... at buong lakas ng loob na sinabi... " Ah... eh... tanong ko na rin yun".

"Yung alin?", ang pa-dedmang reply ni gurla.

"...do you love me?", lakas loob na sinabi ng batang lalaki. (Sabay lapit sa telepono ang buong tropa... naghihintay ng sagot mula sa kabilang linya.

"... ah ... eh... OO", sagot ng dalaga.

"Talaga! Ayos!...", tuwang tuwa sagot ng batang nanliligaw na nuon ay nasa first year high school pa lang (actually june palang nun kaya kasisimula lang ng klase).

At ang buong barkada na rin tuwang tuwa... first time nagka-GF sa barkada!

Maya-maya pa.. nagpaalam na ang dalaga sa kabilang linya, "Teka meron lang akong gagawin... bye".

Pagbaba ng phone... ang tropa... sabay sabay.... "YEEEEESSSS!!!!"

Monday, January 5, 2009

Photographs & Memories

To help your imagination moving while reading my stories, here are some photos shared by TUKO (a.k.a. Yelo-boy) . . .

Mga p're pasensyahan tayo !!!








Now I am excited for my next vacation. I know for sure that I still have lots of photos and memorable things in my old room... TODAS!!!

Okay, See you next time! Time to sleep muna... zzzzzz....

Sunday, January 4, 2009

TRUST 'n My Friend, Watu

Minsan, nag-uumpukan ang magbabarkada sa kanto ng Kalye Dalaga. Pinag-uusapan ang bagong commercial sa TV.

"P're, mura lang daw yun", ang sabi ng isa.

"Balita ko limang piso lang daw apat na ang laman", ang dagdag naman ng isa.

"Ano bang itsura nun?", ang tanong ng mistulang walang idea kung paano yun ginagamit.

"Di ka pa ba nakakakita nun? Ano ka ba!", payabang na tugon naman ng isa na akala mo naman alam na alam niya paano gamitin.

"Makakabili ba tayo nun?", ang usisa ng nakakabata.

"Teka", tugon ulit ng batang nagyayabang.

Sa pagkakataong iyon, dumaan si Watu na mumurublema sa kanyang tigyawat.

"Pre, yan bang pimples mo problema mo?", tanong ng nagyayabang.

"OO, tsong... bad trip nga eh," sagot ni Watu. "Meron ka bang alam na gamot pang-alis nito?", dagdag pa nito.

"Oo naman pre, punta ka kay Santos sabihin mo pabili ng TRUST", ang advice ng nagyayabang.

Walang anu-ano pa, nagtungo na si Watu sa Santos Pharmacy habang ang buong barkada nagmamasid sa may di kalayuang rotonda.

Pagbalik ni Watu sa mga barkada....

"Mga walang hiya kayo!!! Ano ba ito??? ... sabi ko dun sa nagtitinda pabili ng TRUST tapos tiningnan ako nung ale. Eh, parang nagtataka siya sa akin... tinuro ko yung tigyawat ko sa pisngi!!!.... ayun nagmamadali umalis!... tapos yung tindera... parang natatawa sa akin!!!"

Nagtawanan na lang ang magbabarkada...
Namumutla si Watu sa kahihiyan...

At pinagmamasdan naman ng lahat ang itsura ng condom. Ah eto pa la yun.... salamat Watu!

Friday, January 2, 2009

Happy New Year, Happy New Look

Happy New Year to All...

Promise! a lot of exciting stories this year...

Most of our ka-tropa sa Kalye Dalaga had read this weblog and they are starting to recall all their stories, memories, photos, and other nostalgic chuva to add into our collection .... Im so excited!!!!

Plus, I am working on a new template. I hope I can finish it before the end of this week. Here's the general look and feel...




Thanks Kuya Eric for this drawing...

See you around!!!