Sunday, July 4, 2010

Fishballs: All Time Favorite

Our tropa feature for the day is no other than Mr. Jimmy Boy.

Kinalakihan na naming magkakapatid ang tindang fishballs ni Jimmy Boy. Mula sa tulak-tulak na kariton hanggang naging de-sidecar na ang kanyang pagtitinda, maraming masasayang alaala ang pinagdaanan na ng kanyang pagtitinda.

Nung bata kami, tuwang tuwa kami sa kanyang kalan tuwing binubomba niya ito. Minsan meron pa siyang ginagawa para medyo puputok ng konti pag pinasisingaw niya yung kalan.

Naging sukatan din ng 'maturity' kung paano ka pagbilhan ng fishball ni Jimmy. Kung ikaw ay medyo bata o isip bata, kukunin ni Jimmy yung barya mo at siya ang tutuhog ng fishballs mo. Pero kung ikaw ay matured na at responsable sa buhay, hahayaan ka na niyang tumuhog ng fishball ng sarili mo.

Naaalala ko pa nung hinayaan na niya akong tumuhog ng sarili kong fishballs sa kanyang kawali. Kakaibang kalayaan ang naramdaman ko nun.

Naging saksi na rin si Jimmy sa mga riot at ordinayong away sa lugar namin. Naaalala ko kung paano niya itabi ang kanyang kariton pag nagsimula na ang gulo. At back to normal business naman pag natigil na at napagod na ang mga nag-aaway.

Marami na akong natikman na fishballs. Sa katunayan, meron din naman kaming tindang fishballs sa tindahan namin ngunit kakaiba yung feeling na tumutuhog mula sa kawali at isa-sawsaw sa sukang maanghang o sa matamis na sarsa. Iba talaga yung sawsawan ni Jimmy Boy.


Si Konsehal Binoy hindi masyado bumibili ng fishball sa Bicol kasi bukod sa wala silang sawsawan na suka, hindi si Jimmy Boy ang nagtitinda. Kaya naman tuwing lumuluwas ng Maynila, panay tanaw sa kanto ng Dalaga at Antipolo para hanapin lang si Jimmy Boy.

Si Kerning galing Amerika sampu ng kanyang pamilya. Amoy pa lang nila kuya - amoy hershey na! Pero nung unang araw na nagdaan ang sidecar ni Jimmy - akala mo hindi umalis ng Tundo ng tatlong taon ang mag-anak.

Nung huli kaming magkakasama nila Ate Greys sa Manila, muntik na naming maubos yung isang plastik na fishball. Kaya naman si Jimmy ang daming binigay na libre.

Si Keric mahilig din sa fishballs. Pero hindi kasing takaw ni Kerning at Konsehal Binoy.

Maraming kababayan natin ang tulad ni Jimmy Boy. Maghapon sa kalsada nagtitinda't naglalako nang sari-saring bagay o pagkain. Nagbibigay sa atin ng saya at aliw sa pamamagitan ng kanilang pagtitinda. Ngunit hindi natin alam kung ano ang kanilang pinagdadaanan sa kanilang buhay.... sa kanilang pamilya... o maging sa kanilang personal na buhay. Kung ano man yun, ang tanging alam ko lang ay napakasipag ng mga taong tulad nila ... nagbibigay kulay ng ating masayang kabataan.

"Jim, sunog na ito! Libre na ito!", ang kantyaw ni Guz.

"Oo ba!", sagot ni Jimmy.

"Eh paki sunog na rin kaya nung iba?", hirit ulit ni Guz.

No comments:

Post a Comment