Monday, December 14, 2009

The Boxer and The Father

Oo na! fan ako ng boksing!

Eh paano ba naman, tuwing linggo ng hapon nanonood kaming magkakapatid at nang aming tatay ng boksing. Di pa kasama dyan yung mga laban during weekdays. 'Mano-Mano' at 'Blow-by-Blow' ang mga pinapanood namin nun.

At kung malaman namin na sa Tundo ang venue ng susunod na laban, yaya-yain ako ni Daddy para mag-bike at pumunta sa laban.

Masaya kasi manood ng boksing. Lalo na kung exciting ang laban. At sa mga laban ng mga bagong boksingero, kadalasan nakakatuwa at matatawa ka sa mga diskarte.

Tandang-tanda ko ng minsan sinabi ni Daddy sa akin, "abangan mo itong batang ito... malakas sumuntok. Malayo mararating niyan."

Simula nuon, tumanim sa akin ang pangalan ng boksingero. Natutuwa kami kapag siya ang napapanood namin sa Blow-by-Blow.

Hanggang nasubay-bayan na namin ang lahat ng laban niya.

Minsan din kami nalungkot ng makitang natalo siya at ininda ang bawat suntok ng kalaban.

Isang araw sa taong 2000, nakita namin ni Daddy ang isang ads ng laban ng inaabangan na boksingero. Ang laban ay nakatakda rin nang gabing iyon. Tutal kakasahod ko lang mula sa aking unang trabaho, niyaya ko si Daddy manood ng laban, "Daddy panoorin natin ito!".

Nagmamadali kami ni Daddy gumayak at nagtungo sa Ninoy Aquino Stadium para manood ng laban.

Habang ako'y nagbabayad ng aming tiket, bigla ko naramdaman ang munting tuwa, - ganito pala pakiramdam pag-ikaw na nanlilibre sa magulang mo.

Pagpasok namin, humanap kami ng magandang upuan para mapanood ng maayos ang boksing.

Lumipas ang ilang undercard fights at nag simula na pumasok ang mga boksingero ng main event.

"WBC International Super Bantamweight Champion of the world.... Manny Pacquiao!!!!" at malakas na sigawan ng mga iilang boksing fans.

Maganda ang takbo ng first and second round. At pagkatapos ng third round, nagrequest si Daddy ng beer mula sa mga nag-iikot na nagtitinda. Bumili kami ng tig-isang malamig na beer habang excited sa pagsisimula ng fourth round. Ilang minuto pa lang namin iniinom ang beer.... biglang bumagsak na ang kalaban. Ayos! tapos ang boksing!

Tuwang-tuwa kami naglalakad pa uwi. Pinagkukwentuhan ang mga napanood at iniisip kung kailan at kung anu-ano ang pwedeng kinabukasan ng paboritong boksingero.

Nang malapit na kami sa bahay sabay inakbayan ako ni Daddy.

"Salamat anak!", sinabi niya sa akin.

Higit pa sa kaligayan dulo't ng boksing ang naramdaman ko nun. Pakiramdam ko nabigyan ko ng munting kasiyahan si Daddy mula sa aking sahod ng aking unang trabaho.

Pagdating ng bahay, pinanood namin ang delayed telecast at pinagpatuloy ang kwnetuhan.

Malayo na narating ni Manny ngayon. Siguro hindi ko na kayang bumili ng tiket ng mga laban niya. Hanggang TV na lang at YouTube ko napapanood siya.

Pero kahit papaano... bago pa naman sumikat si Manny ... at magmahal ang mga tiket ng laban niya... minsan nakasama ko si Daddy manood ng laban ng aming paboritong boksingero.

Siguro kung nabubuhay si Daddy ngayon...
tuwang tuwa siya sa natamo ng kanyang sinubaybayang boksingero...
At siguro higit na tuwang tuwa siya sa natamo naming magkakapatid.






No comments:

Post a Comment