Sunday, June 16, 2013

Lumang Tula

Luma na ito... panahon pa ng friendster...

Pero trip ko lang i-post dito kaso wala na yung dating link... buti na lang at meron pa akong kopya... pero kahit wala na yung original link nasa puso ko na naman ito...

Happy Father's Day Mang Pol...


Si Mangpol At Ang Kanyang Tunay Na Ligaya
(March 2006)

Lumuwas ng Maynila para makipagsapalaran
Namasukan bilang waiter sa isang kainan
Ang binatang si Mangpol na taga-Romblon
Nagsikap mag-aral kahit panggabi pa ‘yon

Napagkatiwalaan sa kanyang trabahong pinapasukan
Kaya naman ang binatang si Mangpol ang nauutusan
Pumupunta ng Divisoria para mamalengke
Paninda’y araw araw iba’t ibang putahe

Sa dalas ng kanyang pamimili kanyang nasisilayan
Isang dalagang tsinita sa kabilang tindahan
Dahil sa kanyang simpleng kagandahan
Ang binatang si Mangpol nakipagkaibigan

Ligaya ang pangalan ng masayahing dalaga
Na taimtim na nagdarasal ng kanyang nobena
Na ipagkaloob ng Diyos ang tamang mapapangasawa
Makakasama sa pagbuo ng isang Kristiayanong pamilya

Humihiling ng hudyat mula sa itaas
Na kung sino man magbigay ng pulang rosas
Sa nalalapit na okasyon at sa tamang oras
Mula sa kanyang mga manliligaw sumusuyo ng madalas

Dumating ang araw ng okasyon na hinihintay
Ni isang manliligaw niya walang nagbigay
Nang pulang rosas para sa kanya ialay
Inakalang wala sa kanila mamahaling taglay

Ngunit ang ibinigay ng binatang si Mangpol
Isang greeting kard para sa dalaga’y iukol
Pagbati mula sa puso na ang larawang nakapaloob
Isa pa lang pulang rosas na sa kanya ipinagkaloob

Tunay nga ang Diyos sa kanilang dalangin ay tumugon
Sapat na buhay at mga anak sila’y nagkaroon
Apat na lalaki tulong-tulong sa pagbabangon
Nang isang kristiyanong pamilya tiwala sa Panginoon

Dumating ang araw ang bawat anak ay lumisan na
Kanya kanyang buhay paghahanda sa sariling pamilya
Dada-dala’y mga gintong aral natutunan sa ama’t ina
Pamarisan ang pamilya ng pamumuhay na tama

Isang araw sa buwan ng Oktubre
Mabigat na karamdaman kay Mangpol nadiskubre
Unti-unti’y pumapayat ang dating masiglang katawan
Mula sa sakit sa dugo na kanyang nararamdaman

Mula noon labas pasok na sa pagamutan
Kasama si Ligaya na hindi siya iniwan
Si Mangpol dumadalangin para sa kanyang kalusugan
At makapaglingkod pa sa Diyos kung pahihintulutan

“Panginoon, kung nanaisin Niyo pa po,
Pagkalooban pa ako ng buhay dito sa mundo,
Iaalay ko pa rin natitira buhay paglilingkod sa’yo,
Bukas po sana pagalingin Ninyo ako.”

Ito ang huling panalangin niya ng gabing iyon
Pagka’t kinabukasan sa banal na oras ng hapon
Si Manpol ay humarap na sa kanyang Panginoon
Handa sa pagtatagpong ito mula pa noon

Tunay na kaligayahan kanyang naranasan
Literal nga na asawa niya Ligaya ang ngalan
Maging sa pamilya na kanyang iniwan
Buklod ng pagmamahalan at tunay na kaligayahan


I love you po daddy…

Saturday, June 15, 2013

The Legend

What makes a simple fun-filled night life in Tondo?
A guitar with friends - tunay na tambay at tunog kalye...
 Kuya Boy - ikaw na!