Wednesday, August 25, 2010

Haayyyy!!!

Nagpromise ako nuon na hindi na ako makikigulo o magre-react sa anumang masasamang balita. Hindi ko rin gagamitin itong blog ko para sa aking panananaw sa anumang isyu ng lipunan.

Pero naman!!!! hindi ko mapigil na magbulag-bulagan na lang sa mga nakikita't napapanood.

Kaya please pagbigyan niyo na ako...


Oo maraming palpak sa operasyon nung nakaraang lunes. At kitang kita ng mundo ang tunay na kondisyon ng 'security' sa ating bansa. Hindi pa nga tayo nakakabawi sa mga ibang issues eto meron na namang bagong dagok sa ating bansa. Kalakip ng kaganapang ito ay ang umaatikabong negative image na naman natin sa ibang bansa.

Wala akong binotong pangulo nung nakaraang eleksyon. Pero naniniwala ako dahil sa daming nagtiwala kay Noynoy, medyo nanumbalik ang tiwala ng karamihan sa ating gobyerno. Dahil dito naniniwala rin ako na may nakikitang pagsisimula ng 'pambansang pagbabago' at 'pagkakaisa'.

Ngunit hahayaan na lang ba natin mawala ang nasimulan na nating pagbabago dahil lamang sa isang hostage taker? Magsisiraan na naman ba tayo at magsisisihan sa mga pagkakamali ng iilang tao? Ang mga ito ba ay sumasalamin ng kabuuan ng ating bansa lalo na sa panahon ng ating pagsisimula ng tunay na pambansang pagbabago?

Tanggapin na natin... na ang ating nakita ay resulta ng ilang panahon na pagkakabulok ng ating sistema. Aminin mo man hindi... sisihin mo man sila o hindi... bawat isa sa atin ay naging bahagi directly or indirectly - nagdagdag sa kabulukang ito.

Pero dahil sa mga ganitong kabulukan tayo ngayon ay tumatayo para sa pagbabago.

Sana maunawaan natin na sa ating daraanan ay merong mga pagkakataon na lalabas pa rin ang ating mga kahinaan at kabulukan. Pero hindi ito nangangahulugan na titigil na tayo sa mga nasimulan na natin.

Paki-usap ko lang na sana wag na tayong dumagdag pa sa mga negatibong komento ng ibang bansa bagkus magkaisa para manindigan sa pagbabago.

Wag na nating isisi sa iilang tao ang mga nangyari... tanggapin na natin na kaisa tayo sa pagkakamali.

Oo na bwisit na kung bwisit... nakakahiya na nga eh... pero kung tayu-tayo magsisiraan at magtuturuan, sino pa ang magiging kakampi natin dito? Di ba mas nakakahiya kung makikita ng ibang bansa na tayo tayo nagkakagulo.

Sana pakita natin na nagkaka-isa tayo sa pagbabago...
Tinututulan ang anumang kaganapang tulad ng nangyari...
Dumadalamhati sa mga biktima...
Kasi tayo rin ay biktima rin...
Nang kahihiyang dulot nito...


Mamang pulis...
panahon na para baguhin ang hanay niyo...
linisin ang bakuran...
linisin ang pangalan...
para na lang sa mga anak niyo...
at sa mga kababayan niyo...