Saturday, September 11, 2010

Wednesday, August 25, 2010

Haayyyy!!!

Nagpromise ako nuon na hindi na ako makikigulo o magre-react sa anumang masasamang balita. Hindi ko rin gagamitin itong blog ko para sa aking panananaw sa anumang isyu ng lipunan.

Pero naman!!!! hindi ko mapigil na magbulag-bulagan na lang sa mga nakikita't napapanood.

Kaya please pagbigyan niyo na ako...


Oo maraming palpak sa operasyon nung nakaraang lunes. At kitang kita ng mundo ang tunay na kondisyon ng 'security' sa ating bansa. Hindi pa nga tayo nakakabawi sa mga ibang issues eto meron na namang bagong dagok sa ating bansa. Kalakip ng kaganapang ito ay ang umaatikabong negative image na naman natin sa ibang bansa.

Wala akong binotong pangulo nung nakaraang eleksyon. Pero naniniwala ako dahil sa daming nagtiwala kay Noynoy, medyo nanumbalik ang tiwala ng karamihan sa ating gobyerno. Dahil dito naniniwala rin ako na may nakikitang pagsisimula ng 'pambansang pagbabago' at 'pagkakaisa'.

Ngunit hahayaan na lang ba natin mawala ang nasimulan na nating pagbabago dahil lamang sa isang hostage taker? Magsisiraan na naman ba tayo at magsisisihan sa mga pagkakamali ng iilang tao? Ang mga ito ba ay sumasalamin ng kabuuan ng ating bansa lalo na sa panahon ng ating pagsisimula ng tunay na pambansang pagbabago?

Tanggapin na natin... na ang ating nakita ay resulta ng ilang panahon na pagkakabulok ng ating sistema. Aminin mo man hindi... sisihin mo man sila o hindi... bawat isa sa atin ay naging bahagi directly or indirectly - nagdagdag sa kabulukang ito.

Pero dahil sa mga ganitong kabulukan tayo ngayon ay tumatayo para sa pagbabago.

Sana maunawaan natin na sa ating daraanan ay merong mga pagkakataon na lalabas pa rin ang ating mga kahinaan at kabulukan. Pero hindi ito nangangahulugan na titigil na tayo sa mga nasimulan na natin.

Paki-usap ko lang na sana wag na tayong dumagdag pa sa mga negatibong komento ng ibang bansa bagkus magkaisa para manindigan sa pagbabago.

Wag na nating isisi sa iilang tao ang mga nangyari... tanggapin na natin na kaisa tayo sa pagkakamali.

Oo na bwisit na kung bwisit... nakakahiya na nga eh... pero kung tayu-tayo magsisiraan at magtuturuan, sino pa ang magiging kakampi natin dito? Di ba mas nakakahiya kung makikita ng ibang bansa na tayo tayo nagkakagulo.

Sana pakita natin na nagkaka-isa tayo sa pagbabago...
Tinututulan ang anumang kaganapang tulad ng nangyari...
Dumadalamhati sa mga biktima...
Kasi tayo rin ay biktima rin...
Nang kahihiyang dulot nito...


Mamang pulis...
panahon na para baguhin ang hanay niyo...
linisin ang bakuran...
linisin ang pangalan...
para na lang sa mga anak niyo...
at sa mga kababayan niyo...








Saturday, July 17, 2010

Manila Trip: From Tondo - Pangasizzzzz...

Isa sa namimiss ko sa Manila ay yung gumala. Ikutin ang kamaynilaan kahit saan ka dalhin ng iyong mga paa. Sa pagkakataong ito, samahan niyo ako bumiyahe mula Tondo (hanggang Pangasinan kaso nakatulog na ako at hindi na nakapagpicture picture pa) Zzzzzz.....

Bilang simula, pinuntahan ko si nanay sa tindahan sa Pritil. Nagpaalam.

Tutal babalikan ko na rin lang yung dati eh di humingi ulit ako sa nanay ko ng pamasahe para kumpleto ang pagbabalik-tanaw. Ayos! Siguro kung nandun si Daddy, sasabihin na naman niya "abunado pa ako sa yo 'nak eh".

(update: hindi pala ako humingi kay nanay dito... nagpapalit lang... hehehehe.. ang tibay ko naman...)

Pumanik ako sa bagong over-pass. Ngayon lang ako nakapanik dito kasi wala naman ito dati. Pero mas marami pa rin ang nakikipagpatintero sa kalsada kaysa pumanik at gumamit ng overpass.

Dito makikita mo ang busy street of Juan Luna!

Patungong Divisoria.


Eto naman papuntang Gagalangin at Caloocan.

Sa tapat ng Pritil Market ay ang Paaralang Rizal. Natatandaan ko sa gilid niya ay mga nagtitinda ng mga kawayan. Pagpanahon ng October-November, nagtitinda rin sila ng mga saranggola at mga guryon.


Pagbaba ko ng overpass, nandun yung pila ng jeep biyaheng Tayuman-Pritil.

At sa kanto ng Rizal Avenue at Tayuman ako sumakay ng LRT - sa Tayuman station.


Ganito pala itsura ng ticket sa LRT. Ang galing! Nakalagay pa talaga picture nung driver.

At sa likod ng ticket...
Pwesto ako sa kaliwa ng istasyon... dun sa dulo ang dati kong paboritong pwesto.

Eto dumarating na ang tren... bago na rin ata... di ko alam. Mabuti naman walang tumalon at nagpasagasa...


Punuan... nakatayo... siksikan...

Sa Doroteo Jose ako bumaba para lumipat sa MRT. Merong connecting walkway from Doroteo Jose to Recto Station.

Sa likod ng Odeon Cinema at sa pila ng bus papuntang Novaliches (di ko sure kung dito pa rin)...


Busy ang walkway.

Malalaman mo na kung nasa area ka na ng Recto pagnatatanaw mo na yung Isetann at merong mga taong ganito tumingin...

wag ka na lang makipagtitigan...

Pagdating ko ng istasyon, nagkukumpulan yung mga tao sa billboard ni Aga! Ah... dun pala kukuha ng tiket...

paano ba ito gamitin???

Buti na lang merong tumulong sa akin...

Nung nakuha ko na yung tiket... nagulat ako... kasi yun uli yung magiging driver ng tren!!!!


Ayos ang MRT...

Pagdungaw mo sa labas, makikita itong mall na ito na kung saan galaan nung high school... na kung saan din bawal humawak at tumambay sa mga railings.

Nandito pa kaya yung tindahan ng mga t-shirt na parang dark room yung style tapos kitang kita sa dilim yung mga print ng t-shirts. Pagnakabili ka ng t-shirt, sasabihin mo sa sarili mo "sana laging madilim na lang"...

Sinong maysabi na wala ng libre ngayon? Eto o.... LIBRE!!!

Basa-basa muna habang nag-aabang ng tren.
At dumating na rin pagkaraan ng ilang minuto...


Ayos! maluwag ang tren... pwedeng mag tambling!!!

Kung mas gusto mong tumayo, kumapit kay Mister Donut!!

Legarda station... salamat sa MRT.. di na natra-trapik sa area na ito. 50% ata ng oras ko sa biyahe nung college nauubos sa lugar na ito!!!


San Beda... musta na kaya yung mga naging kaklase ko??? Dami na sigurong abugado... but for sure mas marami kaming na-kick out!!! hahahahaha!!!

Pureza-Santa Mesa area.. kita nyo yung UFO ng PUP?


Maraming nagtatanong kung ano talaga yung hugis UFO sa labas ng library ng PUP. Si daddy lang nakasagot sa akin ng matino... water tank pala yun!

Nag-te-tren din ako nung pumapasok ako ng PUP, pero PNR tren yun. Buti na lang merong estasyong malapit sa iskul. Anong tawag nga pala dun sa mga de-padyak na sasakyang riles??

Naalala ko tuloy yung minsan habang naglalakad kaming magkakaibigan sa ilalim ng tulay sa may gawing riles ng hippodromo, naisipan naming mag-inuman. Mahaba kasi break time nun kaya napabili kami ng red horse. Sa tapat ng tindahan, naupo kami sa kalsada at pinagmamasdan ang pagdaan ng tren habang lumalagok ng malamig na red horse. Ala-una ng tanghali...

Ang Altura... o ang Stop n Shop... papuntang San Juan... papuntang Teresa... papasok ng PUP...

Kung pag-uusapan ang buhay college, mas higit ang naaalala ko tungkol sa mga kaibigan kaysa sa loob ng silid aralan. Higit pa sa simpleng barkada ang turingan namin ng Ded Hungry Society - tropa natin nung college. Sa mga pinagdaanan at mga trouble... panalo talaga sila...

Dito sa centerpoint ang tradisyon namin: bumibili ng makakain sa loob ng grocery at sa fast food babanatan. Mga wala kasing pambili ng pagkain sa mga tindahan sa fastfood. Minsan dun na rin sa foodcourt umiinom... syempre bili rin sa loob ng grocery.

Miss ko tuloy sila...

Eto... bababa na ng tren...

kasi Araneta Station na!!!


Nire-ready ko na ang cellphone ko para sa madaliang pagkuha. Alam ko kasi maraming interesting dito sa Cubao kaya... ready... hawak ng mabuti sa cellphone ... and go!!!

Nandyan yung mamang tapat sa bayan at sa mamamayan ... sa tapat ng bayan at mamamayan kung umihi!

Ang mamang musikero! marami akong natutunang intro ng mga kanta dito...

Nuon, isang tropa ang tumatambay sa tapat ni mamang musikero (ibang mama ito). Nagrerequest ng kung anu anung kanta para makita yung tipa ng gitara... pag naubusan ng barya, tinatapik na lang yung lalagyan ng mama kunwari merong nilagay na barya... ang tibay!!

... dito medyo napahinto ako... paano? bakit?
Di ko alam kung ano ang magiging reaction ko dito... anong magagawa ko???

Pumikit ng saglit... nanalangin... at nagpatuloy maglakad....

ah... nakarating din sa station ng bus...

Bago ako sumakay, bumili muna ako ng C2 para merong maiinom sa biyahe...


Nakakamiss talaga sumakay ng bus...

Anyway, getting ready for the trip. Ok sana - championship match ng Lakers-Boston kaso ang labo ng reception ng TV.

Ganun pa rin yung tiket ng bus. Makalat pa rin tuwing nagbubutas si manong!


Bumili rin ako ng dyaryo!!! Sa wakas nakahawak din ng dyaryo!!! at ang amoy!!!! nakakamiss... sa internet na lang kasi nakakabasa...


Munoz area na ba ito? malaki na rin ang pagbabago...
tapos balintawak ito??? ang cool nung ads... yung mga bata ginagaya si coach roach at pacquiao!!!


NLEX syempre daan ng bus...

Para sa akin mas maaliwalas ang NLEX kaysa SLEX...

Sa ilalim ng tulay...

tulay pa rin...

maaliwalas talaga...

Pagdating ng Dau, huminto ang bus para magbaba at magsakay ng mga bagong pasahero. Baba muna ako para mag-CR.

Pabalik sa bus, narinig ko ang dalawang nagtitinda ng mga kakanin tungkol dun sa mamang kinuhanan sila ng litrato.

"Kinuhanan niya ako!", sabi ng isa.

"talaga?", ang kilig naman ng isa.

Eh di kinumpleto ko na araw nila. Sabi ko kung gusto nila picturan ko na rin sila...

Sige daw... ngayon search niyo na lang ito sa internet... ehehehhe...


From Dau, tuloy ang biyahe via SCLEX...

maganda at maayos ang biyahe... maraming natitipid na oras via SCLEX...

nakakantok na...

Nakabili ako ng chitcharon sa Dau. Sabi kasi nung driver mas okay daw bumili sa Dau at sa Tarlac na lang ako bumili ng balot. Mga bilin ng aking mahal na naghihintay sa Pangasinan.

Eto rate ng SCLEX - Conception as of June 2010...

Pagpasok ng Tarlac, pumanik na yung hinihintay ko... isa pang libre....
masarap.. okay na rin...

Namimigay si manong... free taste... o di ba meron pa ring libre...

Pagkatapos babalikan kayo para alukin ng mga kakanin... as in alok talaga... "pang bwena mano lang boss", sabi nya. Alas-dos na ata nun bwena mano pa rin?


Ni-review ko yung mga pictures sa mobile ko... marami na pala akong nakuhanan...

at bigla na lang ako natigil dun sa mamang nakita ko sa Cubao...

hindi dun sa mamang tapat...
kundi dun sa mamang walang braso, walang paa...

anong magagawa ko...
anong magagawa natin...

napapikit ulit ako... nagdasal....

tapos bigla ko naisip ang pamilya kong naghihintay sa Pangasinan...
... tinulog ko na lang... at paggising nasa Pangasinan na ako....