Thursday, December 31, 2009

Happy New Year


Maraming Salamat
sa isang taon ng kwentuhan!!!

Monday, December 28, 2009

Not With A Moving Thing

Mula sa isang inuman, umuwing lasing ang dalawang magkaibigan.

"D're, nawiwiwi na ako...", sabi ng isa na halatang-halatang pinipilit na maging buhay ang diwa.

"Ako din. Hanap lang tayo kung san pwede..", ang sagot naman ng isa.

Nung mga oras na yun, iilang tindahan at mga bahay na lang ang bukas. Madilim na ang paligid ng Blumentritt. Maging ang mga naglalako sa kalsada ay tila pinauubos na lang ang mga natitirang tinda nila.

Sa may dulo ng Blumentritt malapit na sa LRT, maraming nakaparadang jeep.. isang magandang kanlungan para sa taong puputok na ang panubigan.

Pagdating ng dalawa sa unang nakaparadang jeep, agad agad puwesto sa tapat ng likod na gulong para ilabas ang sasaloobin.

"Ahhhhhhh...", bigkas ng isang taong akala mo'y naginhawaan ng loob.

Di pa nagtatagal, biglaang nag-start ang jeep!


VROOOOOMMMMM!!!!

"TODAS!!", ang tanging sigaw ng binatang naantala sa pag-wiwi habang pilit sumabay lumakad ng patagilid sa direksyon ng papaalis na jeep.

Pagkaalis ng jeep, naiwan ang binatang nagmamadaling sinasara ang zipper ng pantalon.

Sa tapat ng pinagparadahan ng umalis na jeep... ay isang kainan... maraming tao sa loob.. maraming tao nakasaksi... sapagkat ito ay sa tapat ng Jollibee.

Friday, December 18, 2009

Excited Because It's New

Nagmamadali kaming tumatakbo ni nanay patungo sa aming connecting flight. Kung aming tatantyahin, medyo malayo-layo pa ata yung boarding gate nang aming susunod na biyahe.

Hingal at pagod, kami'y naupo muna sa isang tabi...

"Okay ka lang (hingal) nay?, ang tanong ko sa aking naluluhang nanay.

"ANG SAKIT NG PAA KO!", ang daing ng aking inay. "Parang namimilipit mga daliri ko... dahil sa sapatos ata!", dugtong pa niya.

"Huh? (hingal) eh 'nay di n'yo po ba sinukat yang bagong sapatos niyo bago niyo binili?", hinahapong patanong ko.

"Sinukat! pero etong kanan ang masakit", sambit ni inay.

Sa aking pagkaawa sa aking nanay, kinuha ko ang kanang paa niya para hilutin. Hinubad ko ang kanyang sapatos... at natawa sa aking natuklasan....


"Hehhehehe... eh nanay meron pang papel itong sapatos mo eh.... bagong bago pa talaga!!".

"Kaya naman pala sabi ko parang na-iipit mga daliri ko", natatawang sagot ni nanay.

Sensya na excited eh.




More stories at http://vermites.blogspot.com

Monday, December 14, 2009

The Boxer and The Father

Oo na! fan ako ng boksing!

Eh paano ba naman, tuwing linggo ng hapon nanonood kaming magkakapatid at nang aming tatay ng boksing. Di pa kasama dyan yung mga laban during weekdays. 'Mano-Mano' at 'Blow-by-Blow' ang mga pinapanood namin nun.

At kung malaman namin na sa Tundo ang venue ng susunod na laban, yaya-yain ako ni Daddy para mag-bike at pumunta sa laban.

Masaya kasi manood ng boksing. Lalo na kung exciting ang laban. At sa mga laban ng mga bagong boksingero, kadalasan nakakatuwa at matatawa ka sa mga diskarte.

Tandang-tanda ko ng minsan sinabi ni Daddy sa akin, "abangan mo itong batang ito... malakas sumuntok. Malayo mararating niyan."

Simula nuon, tumanim sa akin ang pangalan ng boksingero. Natutuwa kami kapag siya ang napapanood namin sa Blow-by-Blow.

Hanggang nasubay-bayan na namin ang lahat ng laban niya.

Minsan din kami nalungkot ng makitang natalo siya at ininda ang bawat suntok ng kalaban.

Isang araw sa taong 2000, nakita namin ni Daddy ang isang ads ng laban ng inaabangan na boksingero. Ang laban ay nakatakda rin nang gabing iyon. Tutal kakasahod ko lang mula sa aking unang trabaho, niyaya ko si Daddy manood ng laban, "Daddy panoorin natin ito!".

Nagmamadali kami ni Daddy gumayak at nagtungo sa Ninoy Aquino Stadium para manood ng laban.

Habang ako'y nagbabayad ng aming tiket, bigla ko naramdaman ang munting tuwa, - ganito pala pakiramdam pag-ikaw na nanlilibre sa magulang mo.

Pagpasok namin, humanap kami ng magandang upuan para mapanood ng maayos ang boksing.

Lumipas ang ilang undercard fights at nag simula na pumasok ang mga boksingero ng main event.

"WBC International Super Bantamweight Champion of the world.... Manny Pacquiao!!!!" at malakas na sigawan ng mga iilang boksing fans.

Maganda ang takbo ng first and second round. At pagkatapos ng third round, nagrequest si Daddy ng beer mula sa mga nag-iikot na nagtitinda. Bumili kami ng tig-isang malamig na beer habang excited sa pagsisimula ng fourth round. Ilang minuto pa lang namin iniinom ang beer.... biglang bumagsak na ang kalaban. Ayos! tapos ang boksing!

Tuwang-tuwa kami naglalakad pa uwi. Pinagkukwentuhan ang mga napanood at iniisip kung kailan at kung anu-ano ang pwedeng kinabukasan ng paboritong boksingero.

Nang malapit na kami sa bahay sabay inakbayan ako ni Daddy.

"Salamat anak!", sinabi niya sa akin.

Higit pa sa kaligayan dulo't ng boksing ang naramdaman ko nun. Pakiramdam ko nabigyan ko ng munting kasiyahan si Daddy mula sa aking sahod ng aking unang trabaho.

Pagdating ng bahay, pinanood namin ang delayed telecast at pinagpatuloy ang kwnetuhan.

Malayo na narating ni Manny ngayon. Siguro hindi ko na kayang bumili ng tiket ng mga laban niya. Hanggang TV na lang at YouTube ko napapanood siya.

Pero kahit papaano... bago pa naman sumikat si Manny ... at magmahal ang mga tiket ng laban niya... minsan nakasama ko si Daddy manood ng laban ng aming paboritong boksingero.

Siguro kung nabubuhay si Daddy ngayon...
tuwang tuwa siya sa natamo ng kanyang sinubaybayang boksingero...
At siguro higit na tuwang tuwa siya sa natamo naming magkakapatid.